Biyernes, Marso 29, 2013

Jack en Jill



Ang pelikulang Jack en Jill (1954) kung saan naging pangunahing tauhan ang “King of Comedy” na si Dolphy ay pumaksa marahil sa homosexuality sapagkat hindi lamang naging usaping ng bakla pati na rin ang tomboy. 



“Akala ko ba matapang ka? Nakatagpo ka rin ng siga a”

Nagbukas ang pelikula sa pagpapakilala kay Luisa, isang tomboy na tsuper ng jeep kung saan nakipagbugbugan siya sa isang lalaking nagpulit na hindi magbayad ng pamasahe. Mayroong kapatid si Luisa na siya namang isang bakla, Goryo ang ngalan niya ngunit mas gusto nito na tawagin siya sa pangalang “Gloria”. Makikita ang kagustuhang pagtawag sa kanya bilang Gloria nang kumakatok sa pinto si Luisa habang isinisigaw ang pangalawang “Goryo” ay hindi niya ito pinagbuksanan. Binuksan lamang niya ito nang tinawag siyang Gloria.



Habang ang kapatid na babae ay nasa lansangan nagmamaneho ay makikita si Goryo na nasa bahay lamang at nagaayos. Makikita rito na naging baliktad sa itinakdang kaayusan ng lipunan ang dalawa. Inaasahan ng lipunan na ang babae ang siyang nangangalaga ng bahay at ang lalaki naman ang kumakayod sa lipunan upang magtrabaho.



Laging mainit ang ulo ni Luisa kay Goryo kung kaya’t sabi ng kanilang ama:
Ama: “Ikaw na ang bahalang magpasensya sa iyong kapatid, busong babae
iyan wala na tayong magagawa.”
Luisa: “Anong pusong babae ang pinagsasabi niyo? E napabayaan lang yan e.”

Sa hangaring mabago ang kapatid sabi ni Luisa sa ama na magpapakasal ito sa taong magpapabago sa kanyang kapatid. Makikita rito ang hindi pagtanggap ni Luisa sa kanyang kapatid bilang isang bakla. Makikita rin na hindi ganap na tomboy si Luisa sapagkat hindi naman ito nagkakagusto sa kapwa babae. Siya lamang ay matapang na babae sapagkat hindi pa rin naalis sa kanyang isipan ang pagpapakasal.



Ang unang manliligaw ni Luisa na si Baldo ang siyang sinabihan ng kasunduang magpapakasal lamang ito sa lalaking makakapagpabago sa kanyang kapatid. Ang unang pagbabago na gusting makita ni Baldo ay ang pagpapalaki ng katawan ni Goryo ngunit makikita sa kilos ni Goryo ang pagtanggi rito. Hindi niya sinusunod ang mga sinasabi ni Baldo sa halip ay tumatakas ito.

Nakakaapekto ang kapaligiran ng isang taong bakla kung saan dinidikta nito ang pagiging heterosekswal. Makikita na ang pagiging bakla ni Gloria ay hindi ganun lamang naapektuhan ng kapaligiran. Kahit idinidikta na ng kanyang paligid na maging lalaki siya ay hindi pa rin ito matupad ng ganun lamang.

Ang tagpo kung saan nagpanggap na lalaki si Luisa at tinago sa pangalang Itoy at ang hindi pagmamalay na si Goryo ay isang lalaki kung kaya’t tinuring siya bilang isang babae. Nais ko gamitin itong simbolo ng pagtatagpo ng loob at labas. Para kay Goryo mistulang nagtagpo ang labas at loob niya sapagkat natupad ang kanyang nais na ituring na babae. Laging ginagamit na manipestasyon ng loob ang labas. Ayon kay Garcia:
Loob likewise continues to define the most fundamental selfhood of local gays, and thereby renders the external actions of this self inconsequential, as there are merely from without: panlabas.”

Pinanghahawakan din ng pelikula ang gender bilang isang performance. Naging pagtatanghal sa magkapatid ang gender sapagkat nagpanggap si Luisa na isang lalaki habang si Goryo naman ay nagpanggap bilang isang babae. Bumabalik tayo sa sinabi ni Butler na gender is performance.

Miguel - Michelle




Nagumpisa ang pelikula sa pagaalis ni Miguel papuntang Estados Unidos para magtrabaho. At sa pagbalik nito sa Pilipinas laking gulat ng kanyang pamilya na siya na ngayon si Michelle – isang “babae”. Hindi lamang pagtratrabaho sa ibang bansa ang ginawa ni Miguel kundi siya ay nagpaopera upang siya ay maging “ganap na babae”. Hindi ito maluwag na tinanggap ng kanyang ina lalo na ang kanyang ama at sinabi pa ng kanyang ama na hindi niya anak si Michelle. Ipinaliwanag ni Michelle sa kanyan pamilya na matagal na niya itong inaasam at hindi siya babalik sa Estados Unidos hanggang siya ay muling tanggapin ng kanyang pamilya.



Si Miguel na siya nang si Michelle ay maituturing na transgender o ang isang taong nagpa-sex change. Ang pagkakaroon ng suso at genital ng tulad ng isang babae, masabi ba na siya ay ganap na babae na? Ang pagdaan ng mga bakla sa ganitong proseso ay maaring paraan nila upang magtugma ang loob at labas nito. Nilagay ko sa loob ng panipi ang salitang babae at ganap na babae sa unang talata sapagkat hindi masasabi na siya ay isang babae. Ayon kay J. Neil Garcia:
“For the bakla, gender transition from male to female is accomplished via the loob. Loob likewise continues to define the most fundamental selfhood of local gays, and thereby renders the external actions of this self inconsequential, as there are merely from without: panlabas.”
Sa paglabas ni Miguel ang kanyang tunay pagkatao ay nilabas niya ang pagkabbae ng kanyang loob kung kaya’t nabuo si Michelle. Sinubukan ni Miguel pagtagpuin ang kanyang loob at labas. Ngunit kalian man ay hindi magtutugma ang labas at loob ng isang bakla o ng isang transgender. Ang kakayahang magbuntis ng isang babae ay hindi maabot ng isang transgender.

Naging mahirap para kay Michelle ang pamumuhay sa kanyang bayan sapagkat hindi siya pinalalabas ng kanyang ina at nang siya naman kay makalabas ay kinutya siya ng mga tao na nakapaligid sa kanya. Kinahihiya siya ng kanyang ina lalo na sa mga kasama nito sa simbahan at sinabi na kasalanan sa Diyos ang kanyang ginawa. Ang ganitong pagtingin ay tinutulan naman ni Fr. Rav sa pagkat sabi niya na sa mata ng Diyos ay pantay-pantay lang ang lahat. Sa kabila ng hindi pagtanggap ng ina at ama ni Michelle sa kanya ay nariyan ang kanyang kapatid na babae na siya namang tinanggap siya ng buo. Nagawa pa nitong tawagin ang kanyang dating Kuya Miguel at Ate Michelle.

Nang tumagal nagawang tanggapin ng ama ni Miguel si Michelle. Naging madrama ang eksena kung saan ipinagtanggol si Michelle ng kanyang ama sa mga lalaking nambabastos sa kanya at nagkaroon ng flashback si Michelle noong panahong tinuturuan siya ng kanyang ama ng boxing.


Ang isa pang imahe ng homosexual sa pelikula ay makikita sa katauhan ni Julio ang kaibigan ni Michelle na siyang kasintahan ni Sonya. Laking gulat ni Michelle ng malaman niyang magpapaksal na si Julio kay Sonya na isang babae sapagkat alam nito ang tunay na pagkatao ni Julio. Si Julio ay isang bakla na nagtatago lamang o tinatawag sa panahon natin bilang “paminta”. Natatakot si Julio na lansagin ang patriarchal na kaayusan ng lipunan kung kaya’t binalak niyang pakasalan si Sonya. Mas dumami pa ang kinatakutan ni Julio kung kaya’t hindi na niya masabi na siya ay isang bakla sapagkat ayaw niyang masaktan si Sonya at natatakot ito sa barakong ama’t kapatid ni Sonya. Sapagkat ayaw pa aminin ni Julio ang katotohanan ay dinala siya ni Michelle sa isang bar. 


Sa bar ay sinayawan siya ng isang babae at kitang-kita ang pandidiri niya. Nang siya naman ay sayawan ng lalaki ay hindi siya pumalag at ito rin ang naging “wake up call” para sa kanya upang harapin kung sino ba talaga siya. Nagkaroon ng pagpapalaya nang sabihin na nit okay Sonya na siya ay bakla. Hindi lamang naging pagharap at pagtanggap para sa mga tao sa paligid ni Julio ang pagamin na ito ngunit naging pagtanggap na rin ni Julio sa kanyang sarili.


Maaring magsisi si Michelle sa ginawang pagpapasex change ngunit hindi ito nangyari. Makikita na idinidikta ng lipunan ang patriarchal na kaayusan ngunit hindi ito naging hadlang upang sundin ni Miguel ang kanyang loob. Nagawang harapin ni Miguel ang tunay niyang pagkatao hindi tulad ng kanyang kaibigan na si Julio. Ang pagtanggap sa realidad ni Miguel at ang pagpapanaig niya sa loob niyang sinisigaw na siya ay babae ay naging daan upang kalabanin ang patriarchal na kaayusan na itinakda ng lipunan. Sa kabila ng nakatakdang kaayusan na ito ay sa huli desisyon pa rin ni Miguel ang pagiging si Michelle.


Miyerkules, Marso 13, 2013



Ang pelikulanng “Masahista” kung saan ang pangunahing tauhan na si Illiac na siyang ginampanan ni Coco Martin ay isang masahista. Nagbukas ang pelikula sa pagpasok ng isang customer sa masahihan kung saan namimili ito ng magmamasahe sa kanya at siya nang pinili si Illiac. Isa ang mga masahihang ito sa maramingmasahihan sa Maynila ang nagoffer ng iba pang serbisyo maliban sa masahe. Maliban sa lugar na ito, tampok din ng pelikula ang bayan ni Illiac sa Pampanga kung saan naroon ang kanyang pamilya. Sa pagbalik ni Illiac ay natuklasan nito na namatay na ang kanyang ama. Makikita ang hindi gaanong pagkaapektado ni Illiac sa pangyayaring ito sapagkat sinabi niya na hindi naman sila inalagaan nito.

Maraming issue and tinalakay sa pelikulang ito ukol sa usapin ng bakla. Una, ang pagiging MSM nito kapalit ng pera o bayarang bakla. Pangalawa, ang imahe ng “sugar daddy”.


Nasabi ko na naging MSM ang bakla sa pelikula kapalit ng pera kung saan ito ay pinanghawakan ni Illiac. Ang trabaho ni Illiac bilang isang masahista ay bunga ng kahirapan. Dahil alam namannatin na hindi gaano kalaki ang kinikita ng isang masahista, nasubo si Illiac sa pagbibigay ng kanyang katawan bilang kapalit ng perang bubuhay sa kanya at sa kanyang pamilya. Tulad nga ng tagpo kung saan sinabi nito na iba ang bayad sa chupa at sa tira, makikita na ang pagkikipagtalik ay lumalabas sa usapin ng pagnanasa. Nagiging sagot na sa pinansyal na pangangailangan ang pakikipagtalik sa isang lalaki. Isang patunay na si Illiac ay isa lamang MSM nang hahalikan na siya ng kanyang customer at sinabi niyang bawal. Maaring gawin simbolo ng natitirang pagkalalaki ni Illiac ang kanyang labi sapagkat hindi nito pinapadampi ang labi ng isang lalaki.

Ano nga ba ang “sugar daddy”? Ang nakikita kong depinsyon ng “sugar daddy” sa kasalukuyang panahon ay isang lalaking nagbibigay ng pera o nagsusustento sa isang tao. Ang ng bakla bilang nagbibigay ng pera kapalit ng panandaliang aliw ay isang negatibong imahe na ipinakita ng pelikula. Ang customer ni Illiac ay nagpunta sa masahihan hindi lamang para sa isang masahe ngunit para na rin sa aliw, sa pagkuntento sa sekswal na pagnanasa. Sa kabila ng kaalaman na pagkatapos ng sesyon kasama si Illiac ay wala nang hihigit pa ay kumagat pa rin ang customer. Maaring makita rito na ang mga bagay sa buhay ng isang bakla ay “temporary”. Dahil ito nga ay temporary lamang ay hinahayaan na lamang nila na kahit sa isang saglit ay sila naman ang pagnasahan kahit sa huli ay babalik lang ito sa kanilang girlfriends. Ang pagiging temporal ng mga bagay sa buhay ng bakla ay nagtutulak sa kanila para gawin ang mga bagay na ito.

Nakita ang dalawang imahe ng bakla, ang bayaran at ang nagbabayad. Ang dalwang ito ay mayroon lamang nais makuntento sa kanilang buhay. Sa binabayran ay ang pangangailangan nito ng salapi upang matustusan pamumuhay at sa nagbabayad ay ang panandaliang aliw na mahirap gawing pamatagalan sapagkat temporary lang ang mga bagay sa buhay ng mga bakla.

Mahal Kita, Mahal Mo Siya




Naging magandang representasyon ng pagtingin ng lipunan noong dakada 90 ang pelikulang “Pusong Mamon” ni Joel Lamangan noong 1998 kung saan ang pangunahing tauhan ay si Annie, isang babaeng may pagnanasa kay Ron, isang tagong bakla. Pinagsamantalahan ni Annie si Ron noong gabing lasing ito at nabuntis si Annie. 



Hindi malay si Annie na si Ron ay mayroong ka-live in na lalaki na ang ngalan ay Nick. Nanirahan si Annie kasama ang dalawa at naging mahirap sa kanya ang pagtanggap ng realidad na iyon. Sa huli ay natanggap din ni Annie ang realidad na ito at tuluyang pinalaya na sina Ron at Nick. 

Marahil si Annie ang naging representasyon ng heterosexual matrix sa lipunan. Naging importante ang kanyang presensya sapagkat sa kabila ng heterosexual matrix na itinatakda ng lipunan nagawang tanggapin ni Annie ang homosexuality




Maaring sabihin na malaki ang naging hakbang ng usaping bakla mula dekada 80 papuntang dekada 90. Sa dekadang ito, hindi na lamang naging usapin ng pagtatagisan ng loob at labas ang usapan. Dito rin umusabong ang terminong MSM o Men who have sex with men. Ang MSM ay ang pakikipagtalik ng isang lalaking straight sa kapwa nito lalaki na hindi ibig sabihin ay bakla na ito. Ang pagusabong ng MSM ay maituturing na nakadagdag pagkalito sa loob ng usapin ng kabaklaan. Ang Naging mahirap para sa lipunan ang pagtutukoy kung sino ba ang bakla at hindi. Maaring sabihin na nagkakaroon ng pag “generalize” sa mga lalaki bilang bakla. Laging mayroon question sa isip ng isang tao tuwing makikita nila ang mga lalaki lalo pa kung ito ay may kasamang lalaki. Ngunit babalik at babalik pa rin tayo sa depinisyon ng bakla bilang isang lalaking effeminate na mayroon pagnanasa sa kapwa lalaki o ang desire.



Ang ganitong pagdududa ng mga tao ay nakita sa presensya ng kapitbahay nina Ron at Nick. Sapagkat lagi nilang nakikita ang dalawa na magkasama bumubuo sila ng konklusyon na bakla ang mga ito. Nang dumating naman si Annie sa bahay nawala ang ganitong pagtingin ng kanilang kapit bahay. Maari ring awing simbolo ng kawalang mala yang batang kapitbahay. Ang batang kapit bahay nila Ron ay siyang mismo nagsasabi na bakla ang dalawa dahil magkasama sila. Maaring makita na pati ang batang hindi malay sa mga nangyayari ay may ganitong pagtingin na rin. 

Nakita ko rin ang importansya ng paglaladlad o sa ngayon ay tinatawag natin na pag “out”. Sa pelikula hindi masabi ni Ron ang tunay niyang pagkatao sapagkat natatakot ito sa kanyang tatay. Ang tatay niya ay kilala bilang isang matapang na lalaki kung kaya’t inaasahan na ang anak nito ay ganito rin. Kung mapapansin ay may pagkatulad ito sa “Petrang Kabayo at Pilyang Kuting”. Makikita na sa lipunan nagkakaroon ng “expectation” na maging katulad ng puno ang bunga nito. Sa usapin ng “gender” maaring sabihin na hindi ito ang kaso. Maaring makita na ang pagkatao ng isa ay “extension” ng pinagmulan nito ngunit bubukas ang isa pang usapin na nakakawit sa kabaklaan bilang isang pamimili.
                                                         


Lunes, Marso 11, 2013

Mula 60's Patungong 70's


Ang pagiging bakla ayon kay J. Neil Garcia ay laging nagkakaroon ng maling pagkakahulugan. Ayon din sa kanya na ang bakla ay hindi lamang isang lalaking effeminate ngunit kailangan may kaakibat itong pagnanasa sa kapwa lalaki.



Ang pelikulang “Facifica Falayfay” noong 1968 ay maaring ituring na magandang representasyon ng maling pagkakahulugan na ito. Si Pacifico ay isang lalaki na pinalaking tulad ng babae ng kanyang ina. Ito ay sa kadahilanang gusto magkaroon ng babaeng anak ng kanyang ina kung kaya’t tinawag na siyang Facifica. Dinadamitan bilang babae si Facifica at ipinaglalaro ng manika ang bata. Ang ganitong pagpapalaki ng nanay kay Facifica ay hindi naman pinigilan ng ama at mga kapatid nito. Sa halip na pilit siyang gawing lalaki ay sinusunod na lamang nila ang kagustuhan ng ina.

Ngunit nang mamatay ang ina ni Facifica ay hiniling nito na gawin muling lalaki ang anak. Ang hiling na ito ng ina ay nais tuparin ng kanyang asawa at mga anak na lalaki. Ginawang paligsahan ng ama nila ang papapalalaki kay Facifica. Ang sino man sa magkakapatid ang magpapalalaki kay Facifica  ay makakatanggap ng salapi. Sa huli ay naganap nga ang hiling ng ina sapagkat naging Pacifico muli si Facifica dahil ang damdamin niya ay nahulog kay Pilar.

Tama ba sabihin na si Facifica ay naging lalaki muli? Sa aking palagay ay hindi ito tama sapagkat hindi naman bakla si Pacifico simula nung una. Makikita ang effeminacy kay Facifica ngunit hindi naman nabangit sa pelikula na siya ay nagkakaroon ng pagnanasa sa kapwa lalaki. Kung babalikan natin ang sinabi ni Garcia, hindi lamang basehan ang pagiging effeminate na isang lalaki upang ito ay ituring na bakla. Sa kalagayan ni Facifica ay pinalaki nga ito ng nanay niya na nakadaster ngunit ang puso niya ay hindi sinlambot ng sa babae. Malaki ang impluwensya ng kapaligiran sa maaring maging pagkatao ng isa ngunit sa huli ay mananaig pa rin ang kanyang sariling desisyon. Hindi naging mahirap kay Facifica na maging si Pacifico muli sapagkat hindi nama ito nahuhumaling sa kapwa niya lalaki. Sa kahit anong hirap na ginawa ng kanyang mga kapatid ay nanaig pa rin ang sarili nitong desisyon na ang umibig sa babae at maging tunay na lalaki.



Sa kabilang banda ang pelikulang “Tubog sa Ginto” (1971) ay tungkol kay Don Benito kung saan mayroon itong asawa at anak ngunit hindi nito maikakaila na mayroon siyang pagnanasa sa kapwa niya lalaki. Ang pelikulang ito ay mayroong malaking pagkakaiba sa “Facifica Falayfay” sapagkat bumabalik tayo sa usapin ng loob. Maliban sa usapin ng loob mayroong ibang usapin na binuksan ang pelikulang ito tulad na lang ng paglilihim ng tunay na pagkatao at ang pagtingin sa bakla bilang tagasustento.



Ang paglilihim ay makikita sapagkat nang magkaroon ng relasyon si Don Benito kay Diego. Ang ralasyon at sekswal na gawin ng dalawa aypatago sapagkat natatakot si Don Benito na malaman ng kahit sino ang tunay niyang pagkatao. Mayroon takot sapagkat ano na lamang ang iisipin ng iba kung ito ay mabunyag? Ano ang mangyayari sa kanyang asawa’t anak? Makikitang simbolismo ng pagtatagong ito ang kanilang pagtatalik sa dilim. Sa pagtatalik sa dilim hindi nakikita ng isa ang tunay na hubog ng isa at maari rin sabihin na sa dilim hindi nakikita ni Don Benito ang realidad ng kanyang ginagagawa – pakikipagtalik sa isang lalaki.



Ang usapin naman bilang ang bakla nagsusutento ang nagbibigay ng pera ay noong nalaman ni Don Benito na ginamit lamang siya ni Diego upang kumita ng pera sa pamamagitan ng pagbebenta nito ng katawan. Ang pagsasamantala kay Don Benito ay hindi nagtatapos rito sapagkat mayroong pagbabanta si Diego na kapag hindi siya binayaran ni Don Benito ay ibubunyag siya nito sa kanyang asawa’t anak, Dahil sa takot na ito ni Don Benito ay patuloy niyang binabayaran si Diego.

Naging masama ang imahe ng bakla sa pelikula bilang isang commodity. Nagkaroon ng imahe na sila ay “sugar daddy”.


Sumpa o Pagpapalaya?



Nagiisang anak ni Mang Colas si Petra, isang bakala sa una niyang asawa na siyang namatay. Kilala si Mang Colas bilang malupit sa mga kabayo at dahil sa kalupitang ito ay simpa siya ng diyosa ng mga kabayo na siyang mapapasa sa kanyang anak na lalaki. Noong bata pa man si Petra hilig na nito ang paglalaro ng manika at pagaayos ng buhok kung kaya’t sa kanyang paglaki siya’y nahumaling sa pagaayos sa mga itsura ng kanyang mga kababayan. Makikita na siya ay nabubuhat ng kalesa at naglalakad-lakad sa kanilang bayan. May isang tagpo kung saan sinabi ng tatlong manang sa na:


“Bakit nga ba nagkaganyan ang anak ni Colas? E ang ama niyanay saksakan ng bagsik sa pagkababaero aba ang anak bakla.”

Makikita rito ang pagtanggap noong dekada ’80 sa mga bakla – kaugalian at pananamit.
Sa pagkamatay ng kanyang ama ay napagisipan ni Petra na subukin ang kapalaran sa Maynila kung saan kasama niya ang kanyang batang kapatid na si Pinky. Ang pagpasya nila na pumunta sa Maynila ay buhat ng kalupitan ng kanilang inang si Anya, ang pangalawang ina ni Petra.
Sa Maynila ay nanirahan sila sa iasng paupahang apartment kung saan niya nakilala ang isang pilyang bata na si Sugar. Sa unang kita ni Sugar kay Petra ay kinutya nito ang pagiging bakla.


“Ay bakla” “Bulldog na bakla”

Ang tanging makakapagpawalambisa sa sumpa ay ang pagawa ni Petra ng tatlong mabuting gawain o noble deeds na siya namang nagawa ni Petra.

Makikita rito ang pagumpisa ng pag”stereotype” sa mga bakla bilang isang katatawanan.Ang paggamit sa isang bakla bilang pangunahing tauhan ay maaring hindi kinakailangan ngunit pinagpasayahang gamitin ang bakla upang magsilbing nakakatawa ang pelikula. Naging imahe ng katatawanan ang bakla sa pamamagitan ng pagmamalabis ng paggalaw, pananalita, at reaksyon ng pangunahing tauhan na siya namang nagampanan ng mahusay ni Reoderik Paulate.


 Ang ganitong pagsasalamin sa bakla ay madalas ipinapakita ng mga mainstream films sapagkat ito ang papatok sa mga manunuod. Nagkakaroon ng tinatawag na novelty o ang pagkakaroon ng bagong paraan upang maghatid ng aliw at katatawanan sa mga manunuod.

Ang isang tagpo na siyang nagpapakita na kahit anong mangyari hindi magtatagpo ang labas at loob ng isang bakla. Noong kinausap ng pilyang kuting ang kapatid ni Petra at sinabi na:


"Kaya siya galit sayo kasi naiinggit siya. Kasi hindi siya mabubuntis."

Maari na magawa ng bakla ang maging mukhang babae ngunit hindi nito maabot ng buo ang estado ng mga babae. Hindi nila kayang magbuntis at magdala ng bata sa ating mundo.

Sa kabila ng pagpapakita ng ganitong imahe ng bakla, nagawa pa rin naman ipakita ng pelikula ang kahalagahan ng kalooban. Sa huli mas mahalaga pa rin ang kabutihan ng loob ng tao.