Lunes, Marso 11, 2013

Mula 60's Patungong 70's


Ang pagiging bakla ayon kay J. Neil Garcia ay laging nagkakaroon ng maling pagkakahulugan. Ayon din sa kanya na ang bakla ay hindi lamang isang lalaking effeminate ngunit kailangan may kaakibat itong pagnanasa sa kapwa lalaki.



Ang pelikulang “Facifica Falayfay” noong 1968 ay maaring ituring na magandang representasyon ng maling pagkakahulugan na ito. Si Pacifico ay isang lalaki na pinalaking tulad ng babae ng kanyang ina. Ito ay sa kadahilanang gusto magkaroon ng babaeng anak ng kanyang ina kung kaya’t tinawag na siyang Facifica. Dinadamitan bilang babae si Facifica at ipinaglalaro ng manika ang bata. Ang ganitong pagpapalaki ng nanay kay Facifica ay hindi naman pinigilan ng ama at mga kapatid nito. Sa halip na pilit siyang gawing lalaki ay sinusunod na lamang nila ang kagustuhan ng ina.

Ngunit nang mamatay ang ina ni Facifica ay hiniling nito na gawin muling lalaki ang anak. Ang hiling na ito ng ina ay nais tuparin ng kanyang asawa at mga anak na lalaki. Ginawang paligsahan ng ama nila ang papapalalaki kay Facifica. Ang sino man sa magkakapatid ang magpapalalaki kay Facifica  ay makakatanggap ng salapi. Sa huli ay naganap nga ang hiling ng ina sapagkat naging Pacifico muli si Facifica dahil ang damdamin niya ay nahulog kay Pilar.

Tama ba sabihin na si Facifica ay naging lalaki muli? Sa aking palagay ay hindi ito tama sapagkat hindi naman bakla si Pacifico simula nung una. Makikita ang effeminacy kay Facifica ngunit hindi naman nabangit sa pelikula na siya ay nagkakaroon ng pagnanasa sa kapwa lalaki. Kung babalikan natin ang sinabi ni Garcia, hindi lamang basehan ang pagiging effeminate na isang lalaki upang ito ay ituring na bakla. Sa kalagayan ni Facifica ay pinalaki nga ito ng nanay niya na nakadaster ngunit ang puso niya ay hindi sinlambot ng sa babae. Malaki ang impluwensya ng kapaligiran sa maaring maging pagkatao ng isa ngunit sa huli ay mananaig pa rin ang kanyang sariling desisyon. Hindi naging mahirap kay Facifica na maging si Pacifico muli sapagkat hindi nama ito nahuhumaling sa kapwa niya lalaki. Sa kahit anong hirap na ginawa ng kanyang mga kapatid ay nanaig pa rin ang sarili nitong desisyon na ang umibig sa babae at maging tunay na lalaki.



Sa kabilang banda ang pelikulang “Tubog sa Ginto” (1971) ay tungkol kay Don Benito kung saan mayroon itong asawa at anak ngunit hindi nito maikakaila na mayroon siyang pagnanasa sa kapwa niya lalaki. Ang pelikulang ito ay mayroong malaking pagkakaiba sa “Facifica Falayfay” sapagkat bumabalik tayo sa usapin ng loob. Maliban sa usapin ng loob mayroong ibang usapin na binuksan ang pelikulang ito tulad na lang ng paglilihim ng tunay na pagkatao at ang pagtingin sa bakla bilang tagasustento.



Ang paglilihim ay makikita sapagkat nang magkaroon ng relasyon si Don Benito kay Diego. Ang ralasyon at sekswal na gawin ng dalawa aypatago sapagkat natatakot si Don Benito na malaman ng kahit sino ang tunay niyang pagkatao. Mayroon takot sapagkat ano na lamang ang iisipin ng iba kung ito ay mabunyag? Ano ang mangyayari sa kanyang asawa’t anak? Makikitang simbolismo ng pagtatagong ito ang kanilang pagtatalik sa dilim. Sa pagtatalik sa dilim hindi nakikita ng isa ang tunay na hubog ng isa at maari rin sabihin na sa dilim hindi nakikita ni Don Benito ang realidad ng kanyang ginagagawa – pakikipagtalik sa isang lalaki.



Ang usapin naman bilang ang bakla nagsusutento ang nagbibigay ng pera ay noong nalaman ni Don Benito na ginamit lamang siya ni Diego upang kumita ng pera sa pamamagitan ng pagbebenta nito ng katawan. Ang pagsasamantala kay Don Benito ay hindi nagtatapos rito sapagkat mayroong pagbabanta si Diego na kapag hindi siya binayaran ni Don Benito ay ibubunyag siya nito sa kanyang asawa’t anak, Dahil sa takot na ito ni Don Benito ay patuloy niyang binabayaran si Diego.

Naging masama ang imahe ng bakla sa pelikula bilang isang commodity. Nagkaroon ng imahe na sila ay “sugar daddy”.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento