Biyernes, Marso 29, 2013

Miguel - Michelle




Nagumpisa ang pelikula sa pagaalis ni Miguel papuntang Estados Unidos para magtrabaho. At sa pagbalik nito sa Pilipinas laking gulat ng kanyang pamilya na siya na ngayon si Michelle – isang “babae”. Hindi lamang pagtratrabaho sa ibang bansa ang ginawa ni Miguel kundi siya ay nagpaopera upang siya ay maging “ganap na babae”. Hindi ito maluwag na tinanggap ng kanyang ina lalo na ang kanyang ama at sinabi pa ng kanyang ama na hindi niya anak si Michelle. Ipinaliwanag ni Michelle sa kanyan pamilya na matagal na niya itong inaasam at hindi siya babalik sa Estados Unidos hanggang siya ay muling tanggapin ng kanyang pamilya.



Si Miguel na siya nang si Michelle ay maituturing na transgender o ang isang taong nagpa-sex change. Ang pagkakaroon ng suso at genital ng tulad ng isang babae, masabi ba na siya ay ganap na babae na? Ang pagdaan ng mga bakla sa ganitong proseso ay maaring paraan nila upang magtugma ang loob at labas nito. Nilagay ko sa loob ng panipi ang salitang babae at ganap na babae sa unang talata sapagkat hindi masasabi na siya ay isang babae. Ayon kay J. Neil Garcia:
“For the bakla, gender transition from male to female is accomplished via the loob. Loob likewise continues to define the most fundamental selfhood of local gays, and thereby renders the external actions of this self inconsequential, as there are merely from without: panlabas.”
Sa paglabas ni Miguel ang kanyang tunay pagkatao ay nilabas niya ang pagkabbae ng kanyang loob kung kaya’t nabuo si Michelle. Sinubukan ni Miguel pagtagpuin ang kanyang loob at labas. Ngunit kalian man ay hindi magtutugma ang labas at loob ng isang bakla o ng isang transgender. Ang kakayahang magbuntis ng isang babae ay hindi maabot ng isang transgender.

Naging mahirap para kay Michelle ang pamumuhay sa kanyang bayan sapagkat hindi siya pinalalabas ng kanyang ina at nang siya naman kay makalabas ay kinutya siya ng mga tao na nakapaligid sa kanya. Kinahihiya siya ng kanyang ina lalo na sa mga kasama nito sa simbahan at sinabi na kasalanan sa Diyos ang kanyang ginawa. Ang ganitong pagtingin ay tinutulan naman ni Fr. Rav sa pagkat sabi niya na sa mata ng Diyos ay pantay-pantay lang ang lahat. Sa kabila ng hindi pagtanggap ng ina at ama ni Michelle sa kanya ay nariyan ang kanyang kapatid na babae na siya namang tinanggap siya ng buo. Nagawa pa nitong tawagin ang kanyang dating Kuya Miguel at Ate Michelle.

Nang tumagal nagawang tanggapin ng ama ni Miguel si Michelle. Naging madrama ang eksena kung saan ipinagtanggol si Michelle ng kanyang ama sa mga lalaking nambabastos sa kanya at nagkaroon ng flashback si Michelle noong panahong tinuturuan siya ng kanyang ama ng boxing.


Ang isa pang imahe ng homosexual sa pelikula ay makikita sa katauhan ni Julio ang kaibigan ni Michelle na siyang kasintahan ni Sonya. Laking gulat ni Michelle ng malaman niyang magpapaksal na si Julio kay Sonya na isang babae sapagkat alam nito ang tunay na pagkatao ni Julio. Si Julio ay isang bakla na nagtatago lamang o tinatawag sa panahon natin bilang “paminta”. Natatakot si Julio na lansagin ang patriarchal na kaayusan ng lipunan kung kaya’t binalak niyang pakasalan si Sonya. Mas dumami pa ang kinatakutan ni Julio kung kaya’t hindi na niya masabi na siya ay isang bakla sapagkat ayaw niyang masaktan si Sonya at natatakot ito sa barakong ama’t kapatid ni Sonya. Sapagkat ayaw pa aminin ni Julio ang katotohanan ay dinala siya ni Michelle sa isang bar. 


Sa bar ay sinayawan siya ng isang babae at kitang-kita ang pandidiri niya. Nang siya naman ay sayawan ng lalaki ay hindi siya pumalag at ito rin ang naging “wake up call” para sa kanya upang harapin kung sino ba talaga siya. Nagkaroon ng pagpapalaya nang sabihin na nit okay Sonya na siya ay bakla. Hindi lamang naging pagharap at pagtanggap para sa mga tao sa paligid ni Julio ang pagamin na ito ngunit naging pagtanggap na rin ni Julio sa kanyang sarili.


Maaring magsisi si Michelle sa ginawang pagpapasex change ngunit hindi ito nangyari. Makikita na idinidikta ng lipunan ang patriarchal na kaayusan ngunit hindi ito naging hadlang upang sundin ni Miguel ang kanyang loob. Nagawang harapin ni Miguel ang tunay niyang pagkatao hindi tulad ng kanyang kaibigan na si Julio. Ang pagtanggap sa realidad ni Miguel at ang pagpapanaig niya sa loob niyang sinisigaw na siya ay babae ay naging daan upang kalabanin ang patriarchal na kaayusan na itinakda ng lipunan. Sa kabila ng nakatakdang kaayusan na ito ay sa huli desisyon pa rin ni Miguel ang pagiging si Michelle.


1 komento: